Mag-ina at babae, nabundol ng motorsiklo; tricycle, tumagilid nang mag-overtake

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 07:59 PM | Updated as of Jun 23 2017 12:07 AM

Sapul sa CCTV ang magkahiwalay na insidente ng pagbangga ng motorsiklo sa mag-ina at sa isang babaeng tumatawid sa pedestrian lane. Nakunan naman sa isa pang video kung paanong tumagilid sa kalsada ang isang tricycle nang mag-overtake ito.

Mag-ina, nabangga ng motorsiklo

Sapul sa CCTV ang pagbangga ng humaharurot na motorsiklo sa mag-inang naglalakad sa gilid ng kalsada sa Brgy. Singko, Calamba, Laguna.

Sa halip naman na tulungan ng nakabanggang driver ang mag-ina, mabilis na tumakas lang ang motorista.

Pero naplakahan ang motorsiklo kaya agad na na-trace ang nakabanggang si Nestor Baluyot, Jr. 

Humarap na ang suspek sa mag-ina sa barangay para makipag-areglo. Aniya, nakainom siya nang mabangga ang mga biktima at natakot na makulong kaya siya tumakas.

Babae, dalawang beses nabundol ng motorsiklo

Sa isa pang kuha ng CCTV, makikitang tumatawid sa pedestrian lane sa Barangay Tikay sa Malolos City, ang 19 anyos na si Mary Grace Sampaga nang bigla siyang nabundol ng humaharurot na motorsiklo. Matapos tumilapon sa kalsada, nagulungan naman ang biktima ng kasunod na motorsiklo. 

Inalalayan pa ng unang nakabanggang driver si Sampaga at dinala sa tabi ng kalsada. Pasimpleng tumakas naman ang pangalawang driver na nakagulong sa kanya.

Kuwento ng tiyahin ng biktima, sumama pa sa ospital ang unang nakabanggang driver pero nawala rin bigla.

Hindi tuloy alam ng tiyahin kung saan kukuha ng pera para maipatingin ang pamangkin sa doktor.

Nagtamo si Sampaga ng sugat sa mukha at katawan. Hindi rin muna makakapagtrabaho ang biktima dahil sa mga tinamong sugat.

Tricycle, tumagilid nang mag-overtake

Nakunan naman sa dashboard camera ng isang sasakyan ang pagtagilid ng kasalubong na tricycle sa Pulong Saging sa Silang Cavite.

Nakita sa dash cam video ni Edwin Ambulo kung paanong tumagilid ang isang tricycle nang mag-overtake sa isa pang tricycle. 

Nagtamo ng galos ang mga sakay ng tumagilid na tricycle. 

Ayon sa may-ari ng video, magsilbi sana itong leksiyon sa mga motorista na iwasan ang pagiging kaskasero at huwag basta-basta lang mag-overtake.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.