Lalaki, patay matapos makatulog habang nagmamaneho

Giesaril Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 07:21 PM

Tumaob ang isang sasakyan matapos makatulog ang nagmamaneho nito sa General Santos City, Huwebes ng madaling araw.

GENERAL SANTOS CITY— Patay ang isang lalaki nang makatulog habang nagmamaneho at tumaob ang sasakyan habang binabagtas ang isang kalye sa Purok 6, Brgy. Katangawan dito nitong Huwebes.

Natukoy ang driver bilang si Dennis Calsis, na nagtamo ng serious head injuries na siyang ikinamatay nito.

Isinugod pa umano si Calsis sa ospital pero tuluyan itong binawian ng buhay. Wasak naman ang sasakyan dahil sa insidente.

Ayon sa ilang residente, nagising sila sa malakas na kalabog ng aksidente nitong alas-dos ng madaling araw.

Sa inisiyal na imbestigasyon, lumabas na binabaybay ng sasakyan ang kalsadang boundary ng Katangawan at Conel pauwi sa kanilang bahay. 

Duda ng pulisya, nakatulog ang driver at naapakan ang accelerator.

“Posible po na nakatulog itong driver kasi madaling araw at siguro mabilis ang takbo kasi naapakan ang accelerator at nabangga ang fences," ani PO2 Limuel Aves, imbestigador ng Traffic Management Unit-General Santos.

Sa tala ng TMU-GenSan, mula Enero hanggang Mayo 2017, pumalo na sa 917 ang bilang ng mga naaksidente sa kalsada, at 27 rito ang binawian ng buhay. 

Payo ng pulisya, mag-doble ingat sa pagmamaneho. Siguraduhin na nasa kondisyon ang sarili at kung maaari ay huwag nang magmaneho kung hindi sapat ang tulog, lalo na kapag madaling araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.