Ibinebentang 'delikadong saksakan’, kinumpiska

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 06:14 PM | Updated as of Jun 22 2017 08:35 PM

Nag-inspeksiyon ang Department of Trade and Industry (DTI) Fair Trade Enforcement Bureau sa ilang hardware store sa Mandaluyong City para malaman kung sumusunod sa mga pamantayan ang mga tindahan partikular sa mga ibinebentang electric switches at sockets.

Sa isang hardware store, kinumpiska ang 30 electric switches at socket dahil natuklasang noncompliant, o hindi sumusunod sa pamantayan, ang mga gamit. Ayon sa DTI, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta nito dahil delikado.

Kung mapatunayang may paglabag ang tindahan maaari silang magmulta ng P17,500 pesos.

Pero depensa ng store manager matagal na raw na naka-stock sa kanilang tindahan ang mga kinumpiskang switch at socket. Hindi na raw nila ito ibinebenta. Handa rin naman daw silang sumunod sa mga patakaran ng DTI.

Naglibot rin ang DTI sa isang hardware store sa loob ng isang mall. Pero makalipas ang isang oras na pagsusuri, wala namang nakita ang ahensiya na di sumusunod sa kanilang patakaran.

Ayon sa store manager ng hardware store, tinitiyak nila ang kalidad ng mga ibinebenta nilang produkto.

Paalala rin ng DTI sa mga mamimili, maging masinsin sa mga binibiling produkto lalo na pagdating sa mga electrical device para makaiwas sa disgrasya gaya ng sunog.

Mayroong ICC sticker o PS mark ang mga produkto kapag ito ay lehitimo at dumaan sa masinsing pagsusuri ng DTI Kung walang ng mga nabanggit na tanda, puwedeng ireklamo ang nagbebenta o kaya’y ibalik ang produkto kung ito’y nabili na.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.