Sekyu, patay matapos sumalpok ang motorsiklo sa guard rail

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 04:43 PM

Agad na ikinamatay ng isang security guard ang pagkakabunggo sa road railings sa Butuan City, Miyerkules ng madaling araw. Photo courtesy of Aiza Supas.

BUTUAN CITY- Patay ang isang security guard matapos sumalpok ang kanyang minamanehong motorsiklo sa guard rail sa kahabaan ng Purok 1, Barangay Bancasi dito nitong Miyerkules.

Kinilala ang security guard na si Rogelio Petallo, Jr. na nagtamo ng matinding sugat na ikinamatay niya agad.

Ayon sa traffic investigator, pauwi na sana sa Nasipit, Agusan Del Norte ang biktima nang mangyari ang aksidente.

Posibleng nawalan ng kontrol sa manibela ang biktima kaya ito bumangga sa guard rail kaninang alas dos ng madaling araw.

Malabo namang biktima ng hit and run ang sekyu lalo't wala namang anumang gasgas o indikasyon na nabangga ito ng sasakyan.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.