P50k halaga ng cocaine, nakumpiska sa Makati

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 12:16 AM | Updated as of Jun 22 2017 02:27 AM

Nasabat ang may P50,000 na halaga ng cocaine sa isang buy-bust operation sa Leviste St., Makati City nitong Miyerkoles.

Nahuli si Robert Siosion, 43, sa aktong pagbebenta ng naka-sachet na cocaine sa mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG).

Nakuha kay Sioson ang may pitong sachet ng cocaine na tumitimbang ng pitong gramo kada sachet. 

Bantulot sa anumang pahayag ang suspek at na-stroke umano siya kaya hindi ito makapagsalita.

Ayon kay police Supt. Enrico Rigor, may nagbigay umano sa kanila ng impormasyon sa mga transaksyon ni Sioson bilang tulak ng cocaine.

"Hirap siyang abutin iyung pera dahil sa sakit niya pero nung makumpirma na cocaine ang ibinebenta niya hinuli na agad siya," ani Rigor.

Nahaharap si Sioson sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.