Buntis patay matapos umanong bugbugin ng kinakasama

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 09:08 AM

MAYNILA - Patay ang isang babaeng 4 na buwang buntis matapos umano siyang bugbugin ng kanyang live-in partner sa Muntinlupa City, Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Anna Cecilia Galicia, 19, na naisugod pa sa Asian Hospital pero agad ring binawian ng buhay habang ginagamot ng mga doktor.

Nakita na lang umano ng guwardiya sa kanilang condominium ang biktima na wala nang malay kaya agad itong isinugod sa malapit na ospital.

Ayon kay Alex Dela Plata, amain ng biktima, posibleng binugbog ang babae ng kanyang kinakasama dahil sa mga nakitang mga pasa sa katawan, mukha at hita nito.

Bago mangyari ang insidente, tumawag pa aniya ang biktima sa kanyang ina dahil sa iniida nitong pagkahilo.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek na kinilalang si Karl David Asehan, 19, na hinahanap na ngayon ng pulisya. Dumulog na sa women's desk ng Muntinlupa police ang pamilya ng biktima.

Isasailalim naman sa autopsy ang bangkay ng biktima upang matukoy din kung ano ang dahilan ng kanyang pagkamatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.