Bagets, ligtas kahit nahagip ng bomba habang tumatakas sa putukan

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 07:18 PM | Updated as of Jun 22 2017 01:31 AM

* Pangulong Duterte, humingi ng paumanhin sa mga Maranao 
* Maute, may bagong estilo ng 'bomba' 
* Mga sanggol, sinilang sa gitna ng giyera 

Himalang nakaligtas ang isang teenager matapos tamaan ng bomba habang tumatakas sa mga Maute sa Marawi. Isang buwan na ang nakaraan pero patuloy pa rin ang mga bakbakan, at may bagong istilo daw ngayon ang Maute para malabanan ang pag-abante ng militar. 

Hindi pa rin tumitigil ang mga putukan at pagsabog na target ang Maute group na patuloy naglulungga sa lungsod.

Kaya namang himalang matatawag na nakaligtas sa pambobomba ang 16 anyos na si Oliver Gaan. Tinamaan siya ng mga shrapnel matapos bagsakan ng bomba ang gusaling pinagtataguan noong Linggo, Hunyo 18. Martes na nang matagpuan siya ng mga sundalo. Hindi mabilang ang tama ng shrapnel niya mula ulo hanggang paa, matapos tamaan ng bomba ang gusaling pinagtataguan niya. 

Dagdag trauma lalo kay Gaan dahil nakaligtas man siya, hindi pinalad na mabuhay ang kaniyang amang pinagbabaril umano ng mga terorista.

Sa X-ray ng Amai Pakpak hospital, nakabaon pa sa kanang hita ni Gaan ang mga fragments ng bomba at isang posibleng slug ng bala.

Kanina pumasok na rin ang mga bomb expert ng militar, susuyurin ang Marawi laban sa mga bomba ng Maute na posibleng makadale pa ng rescuers, volunteers, o mga residenteng sumusubok bumalik sa kanilang bahay.

May natuklasan naman ang militar na bagong taktika ng Maute para labanan ang puwersa ng gobyerno. Nagsisilbing improvised explosive device ng mga terorista ang pinasingaw na mga tangke ng LPG sa mga bahay. Pinapaputukan daw ng Maute iyon oras na lumapit sa mga bahay ang mga sundalo. 

Sa huling tala ng Joint Task Force Marawi, 66 mula sa tropa ng gobyerno ang nasawi sa bakbakan. Sugatan ang 461 iba pa. Patay rin sa bakbakan ang 268 kalaban.

Duterte nag-sorry sa mga Maranao

Humingi ng tawad kahapon sa mga Maranao si Pangulong Duterte para sa idineklarang batas militar sa buong Mindanao.

"I would like to say to the Maranao people that I am very, very, very sorry na nangyari ito sa atin. Sana kung madaling panahon, you will find in your heart to forgive my soldiers, ang gobyerno, pati ako, for declaring martial law," ani Pangulo sa mga pamilyang 'bakwit' sa Iligan City. 

"Wala akong choice e, sinisira na ang Marawi. I have to drive them out. But I am very sorry. Pakiabot na lang sa ating mga kapatid na Maranao ang aking paghihinanakit din sa nangyari. Patawarin niyo po kami."

Tinanggap ng lokal na pamahalaan ng Lanao Del Sur ang paumanhin ng Pangulo. Nauunawaan daw nilang kailangan ang mga ganitong aksiyon laban sa mga terorista. Ipagdarasal din nilang maihatid ng administrasyong Duterte ang ipinangakong rehabilitasyon sa Marawi.

Sa gitna naman ng bakbakan, itinuloy pa rin ang pagtatalaga sa puwesto ng bagong acting provincial director ng Philippine National Police na si Senior Supt. John Guyguyon. Pangako niya, hindi siya papayag na ang maliit na bagay, tulad ng ‘looting’ o panloloob sa mga iniwang bahay, ang sisira sa pangalan ng pulisya sa probinsiya.

Mga inabandonang bahay, ikinandado kontra ‘looting’

Ginalugad ng pulis, militar, at mga tauhan ng lokal na pamahalaan ang mga bahay sa itinuturing na ‘safe zone’ o lugar na wala nang palitan ng putok sa Marawi. Ikinandado nila ang pinto ng mga bahay na iniwan ng mga residenteng lumikas palayo sa bakbakan. Pangontra raw ito sa mga mananamantala sa sitwasyon para manloob sa mga tahanan. 

Pero nang bumalik kanina sa bahay nila ang residenteng si Norhata Mangondato, laking dagok sa kaniya nang matuklasan niyang tinangay na pala ang koleksiyon niya ng mga relo. Nadistrongka na rin ang kanilang kaha de yero at natangay ang pera. Hindi maiwasan ni Mangondato na sumama ang loob sa mga awtoridad dahil tila paulit-ulit daw silang binibiktima ng karahasan.

Napagnakawan man, maituturing pa marahil na mas mainam ang sitwasyon ni Mangondato kumpara sa iba niyang kababayang hindi nga pinagnakawan, wala namang babalikan nang tirahan.

‘Giyera’ at ‘martial law’, basehan ng pangalan ng ilang sanggol

Sa gitna ng karahasan, ilang Maranao na sanggol din ang isinilang. Dahil hindi pangkaraniwan ang panahong sila’y nailuwal, naiiba rin ang pangalang ibinigay sa ilang musmos.

Tulad na lang ni baby "Saguira", pangalang halaw “sa giyera” at sa munisipalidad ng “Saguiran” kung saan lumalagi ngayon ang kaniyang pamilyang ‘bakwit’.

Isa pang sanggol ang pinangalanang "Martial", habang “Marcia” naman ang isa pang baby girl. Isinunod ang kanilang pangalan sa umiiral ngayong martial law sa buong Mindanao. Kapwa isinilang kasi sila noong May 23, araw na idineklara ang batas militar.

Ayon sa Department of Health (DOH), pinaka-kailangan ngayon ng mga bakwit, lalo na ng mga sanggol, ang gatas, malinis na inuming tubig, at malinis na kapaligiran. Nangako rin si Health Sec. Paulyn Ubial ng libreng serbisyong medikal para sa mga bakwit, mapa-ospital man o hindi. 

Inaalam na rin ng DOH kung totoong may lima pang bakwit na nasawi dahil sa iba’t ibang sakit. Bukod pa iyan sa nauna nang nakumpirmang 24 na nasawing evacuees dahil din sa karamdaman.

-- Ulat nina Jorge Cariño, Ron Gagalac, at Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.