Alamin: Paano malalaman kung tunay ang nabiling bigas?

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 11:48 AM | Updated as of Jun 20 2017 11:56 AM

Kumalat kamakailan sa social media ang balitang mayroong ibinebentang pekeng bigas o bigas na gawa sa plastic. Pinabulaanan naman ito ng National Food Authority, at naglabas ng ilang palatandaan upang malaman kung tunay nga at natural ang nabiling bigas.

Ayon sa NFA, ang tunay na bigas ay makikitaan ng 'bran streak' o ang markang naiwan mula sa ipa na nakabalot dito. Maiiwan ang markang ito kung hindi overmilled ang palay.

Sa isang dulong bahagi naman na mukhang uka sa isang butil ng bigas, makikita ang 'hilum' o ang mala-chalk na gitnang bahagi nito.

Pahilis din ang isang dulo ng isang butil ng bigas.

Hindi naman pare-pareho ng hugis at laki ang bawat butil ng bigas.

Maaari ring mayroong mga uka sa rabaw ng butil ng bigas.

Siguraduhin namang bibili sa mga NFA accredited na mga tindahan. Malalaman kung NFA accredited ang isang bigasan kung naka-display ang buong pangalan ng trader at numero ng lisensya nito.

Kapag naluto naman ang bigas, dapat walang mala-bula na mabubuo sa ibabaw ng kanin. Kung amoy plastic naman ito, maaaring ipagbigay alam agad ito sa NFA upang mainspeksyon ito. Mayroong NFA Bantay Bigas Hotline (0906 436 3133) na maaaring lapitan.

Kung ang palagay ay nakakain ng pekeng bigas, pinapayuhan din ang indibidwal na magpatingin agad sa doktor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.