'Pekeng bigas', inireklamo; NFA, pinabulaanang peke ito

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2017 07:41 PM | Updated as of Jun 20 2017 12:04 AM

Halos 8 milyong views na ang nakuha ng viral video ni Rafael Rufo Franco sa Facebook. Di nakakagulat dahil tampok sa video ang pagkaing hindi halos nawawala sa hapag ng mga Pilipino—ang kanin.
 
Pero sa video, ipinakita niyang may kakaiba sa kanin na kaniyang nabili na P40 kada kilo. Matapos palamigin, kumuha si Franco ng sample ng kanin at unti-unting hinuhubog na parang bola. Inihagis niya ito sa sahig. Aniya, tila buong plastic ang kanin nang mahulog.
 
Maraming netizens ang nag-react. Ang iba, nagulat at binalaan pa ang mga kaibigan at mahal sa buhay. Mayroon din namang ipinagkibit-balikat lang ito.
 
Di rin makapaniwala ang pamilya Franco na hindi napapanis ang umano’y pekeng kanin. Isang araw matapos isaing, hindi pa rin daw nasisira ang kanin. Iyon nga lang, malaki ang epekto ng bigas sa kanila dahil isang linggo na daw silang nagkakasakit o nagkaka-LBM.
 
Depensa naman ng pinagbilhang bigasan ng mag-anak, paninira lang umano ang alegasyon dahil may iba pa silang customers at wala namang ibang nagreklamo.
 
Giit din ng National Food Authority, walang pekeng bigas sa bansa. Kung plastic daw kasi ang ihahalo sa bigas, hamak na mas magiging mahal iyon kumpara sa tunay na pagkain. Paliwanag ng NFA, kung matagal mang mapanis ang kanin, posibleng dahil iyon sa klase ng bigas. Kung nagkasakit man ang pamilya, dapat alamin din muna kung ang bigas nga ang dahilan ng pagkakasakit dahil puwede rin daw dulot iyon ng nainom nilang tubig o iba pang nakain.
 
Ayon sa ilang mambabatas, kailangang imbestigahan muna para malaman kung mayroon ngang fake rice. Sabi pa ng isang senador, dati nang siniyasat ang kaparehas na isyu pero wala namang nakapagpatunay na may peke ngang bigas. 
 
Ganiyan din ang sabi ng NFA. Kahit noon pa man, walang napatunayang plastic rice na ibinebenta sa merkado. Payo rin nila sa publiko, kung nag-aalangan sa biniling bigas, magpadala lang sa kanilang tanggapan ng sample, lalo na kung may kakaiba sa hitsura, amoy, at lasa nito.
 
Sa ngayon, kinolekta na ng NFA ang mga sample ng sinasabing pekeng bigas mula sa iba’t ibang parte ng bansa kabilang na ang natirang kanin ng pamilya Franco. Malalaman sa susunod na linggo ang resulta ng pagsusuri.
 
-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.