Knifefish, basura, namemeste sa Laguna de Bay

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2017 10:05 PM | Updated as of Jun 20 2017 04:47 AM

Nanggagaling sa Laguna de Bay ang 36% ng supply ng isda sa Metro Manila. Pero banta na sa nahuhuling isda roon ang polusyon at pagdami ng knifefish.

Salot kasi kung ituring ng mga mangingisda sa Laguna lake ang knifefish na mabilis dumami. Hindi na naibebenta ang knifefish. Lalo pang problema dahil kinakain nito ang mga isdang may halaga sa mga mangingisda.

Bilang alalay sa mga mangingisda, binibili na ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa halagang P20 kada kilo ang knifefish. Tinuturuan din nila ang mga mangingisda kung paano gumawa ng ibang produkto mula sa ‘salot’ na isda.

Pinangunahan din ng Department of Agriculture ang pagpapakawala sa lawa ng limang milyong fingerlings, maliliit na sugpo at mga isda gaya ng bangus at tilapia. Namigay din ng mga gamit-pangisda bilang bahagi ng project ‘BaSiL’ o Balik Sigla sa Ilog at Lawa para makatulong sa kita ng mga mangingisda.

Pero isa pang problema sa lawa ang polusyon. Ikinakaalarma rin ng Laguna Lake Development Authority ang pagdami ng iba’t ibang duming itinatapon ng tao, tulad ng gamit na plastic at maging pinaglabhan. Pinapatay kasi nito ang mga isda.

Di natitigil ang mga proyekto ng gobyerno para malinis ang lawa. Pero paalala ng pamahalaan, kailangang makipagtulungan ang publiko at pribadong sektor para hindi dumaloy sa lawa ang basura.

-- Ulat ni Carolyn Bonquin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.