CAFGU member, pinakawalan ng NPA

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 04:02 AM

BUTUAN CITY - Pinakawalan na ng rebeldeng New People's Army (NPA) ang isang CAFGU member na si Erick Pogoy Lunes ng umaga sa isa sa mga bayan ng Agusan del Norte province.

Sa pamamagitan ng pagsisikap ng 23rd Infantry Battalion, Philippine Army katulong ang lokal na pamahalaan ng Buenavista at negotiator na si Andres Sarsaba, natupad ang pakiusap ng mga magulang ni Pogoy na labis nag-alala sa kaligtasan ng kanilang anak.

Ayon kay 23rd IB Commanding Officer Lt. Col. Emil Cruz, nasa maayos na kondisyon ng kalusugan si Pogoy at walang palatandaan na siya'y pinahirapan.

Iniulat na tinangay si Pogoy ng NPA sa Brgy. Bitan-agan, Butuan City kung saan, malapit lamang ito sa isang patrol base kung saan siya nakadestino.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang 23rd IB para matukoy kung ano talaga ang nasa likod ng insidente.

Ganunpaman, nanawagan si Cruz sa mga NPA na sa halip na gumawa ng karahasan, sana'y magtulungan na lang para sa kapayapaan ng bansa.

"Magbalik-loob na sila sa pamahalaan, tumulong sila sa ating mga ginagawang peace and development activities noh, in fact nage-encourage kami na mag join na sila sa Philippine Army para isa na lang tayong Army magtulong-tulong tayo pano natin mapaayos 'tong ating bansa," ani Cruz.

Ipinahayag rin na walang hiningi ang mga NPA kapalit ng kalayaan ni Pogoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.