Itinuturong 'bomb maker' ni Hapilon, arestado sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2017 05:38 PM | Updated as of Jun 18 2017 07:13 PM

Halos isang buwan mula nang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at Maute group, wala pa ring tigil ang opensiba ng militar sa Marawi City.

Kasabay ng bakbakan, naaresto ng Joint Task Force at Zamboanga PNP si Hamsi Amajad Marani na miyembro ng Abu Sayyaf at itinuturong bomb maker ni Isnilon Hapilon. Isa sa mga lider ng Abu Sayyaf si Hapilon na kasama sa mga namuno sa pag-atake sa Marawi. Siya rin ang umano'y pinuno ng ISIS sa Pilipinas.

Ayon sa Western Mindanao Command, malaking dagok kay Hapilon ang pagkawala ni Marani. Maaari raw kasing nakadepende kay Marani ang pagtakas ni Hapilon mula sa Marawi.

Sa pagtataya ng militar, paubos na rin ang bala ng Maute at naghahanap na sila ng mga matatakbuhang lugar kaya naka-alerto na rin ang mga awtoridad sa ibang bayan.

Samantala, naaresto rin ng Autonomous Region of Muslim Mindanao - Regional Public Safety Battalion (ARMM-RPSB) ang mga sibilyang nagnanakaw umano ng mga sound system, TV at ilan pang gamit mula sa mga inabandonang bahay sa Marawi.

Ayon sa ARMM-RPSB, patunay ang mga nahuling magnanakaw na hindi dapat pagbintangan silang mga pulis sa panlilimas ng mga gamit.

Kinasuhan ng robbery sina Latip Lao, at Abdullah Lao, na kapatid umano ng wanted na si Naim Lao, isa sa mga presong pinatakas ng Maute.

Nagsasagawa na rin house-to-house search sa ilang lugar sa Iligan City, laban sa mga posibleng nakalusot na miyembro ng Maute.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.