Duterte, iaatras ang militar sa Marawi kung ipawalang-bisa ang martial law

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2017 03:31 PM | Updated as of Jun 18 2017 07:10 PM

Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na iatras ang militar sa Marawi sakaling ideklara ng Korte Suprema na walang basehan ang idineklara niyang martial law sa Mindanao.

"Rebellion na 'yun. Kung ayaw nila, okay ako. Kung sabihin nila na there is no factual basis, then I am ready to order the military to withdraw, and we will not move. Hayaan na sila diyan. Kung kaya nila," ani Duterte.

Dagdag pa ni Duterte, susundin niya ang utos ng Korte Suprema kung ipawalang-bisa nito ang batas militar sa Mindanao. Pero sakaling sumiklab muli ang gulo, handa siyang magdeklara muli ng martial law na maaaring kaparehas umano noong rehimeng Marcos.

“Kung magsabi ang Supreme Court mali, I will withdraw and if anything goes wrong, mag-declare ako ng martial law ulit second time around," sabi ni Duterte. "If that rebellion burns Mindanao and the other parts of the Philippines and I’ll be forced to declare martial law again this time, I will do it on my own I will not consult anybody and there is no telling when will it end. Wala, then it could be a copycat of Marcos.”

Pero sa ngayon, iginiit ng Pangulo na hindi aatras ang militar at wala siyang balak na makipagnegosasyon sa Maute group.

"If they go to Maute to talk about what? Surrender? Or areglo ganoon na lang? I will not. Paano iyong patay ko? How about... iyong natamaan ng snipers nila? They committed the crime of rebellion and they raised the flag of ISIS. If that is not enough, what is it?" ayon kay Duterte.

Sinabi rin ng Pangulo na may mga local politician at warlord na nakikipagkutsaba umano sa Maute group at tinulungan ang mga teroristang mag-imbak ng mga armas.

Duterte, sinigurong ayos ang lagay ng kanyang kalusugan

Muling nagpakita sa publiko kahapon ang Pangulo matapos ang isang linggong pamamahinga.

Bumisita si Duterte sa Cabadbaran City, Agusan del Norte bilang guest speaker sa 50th anniversary ng lalawigan kahapon.

Tiniyak ni Duterte na walang dapat ipag-alala sa kaniyang kalusugan.

Dagdag pa niya, walang dapat ipag-alala sakaling may mangyari sa kaniya lalo't may papalit naman sa kaniya alinsunod sa Saligang Batas.

“I was resting actually. I went out of town for a visit somewhere else. Di ko masabi sa inyo... My state of health is what you see is what you get," ani Duterte. "Do not worry, there is the vice president who will take over. My state of health is immaterial kasi ang importante na may successor."

May pabiro pang banat ang Pangulo tungkol sa mga nag-aalala sa kaniyang kalusugan.

"Sa mga kababayan ko, don't worry too much. Ayaw pa ninyo niyan isang taon lang bago na naman bagong presidente,” hirit ni Duterte.

Matatandaang sinabi rin ng Palasyo na kinailangang magpahinga muna ng Pangulo matapos mapagod sa serye ng mga aktibidad, kabilang na ang pakikiramay sa mga naulila ng mga sundalong nasawi sa bakbakan sa Marawi.

-- May ulat ni Rodge Cultura, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.