Ulat ukol sa mga namamatay na 'bakwit', bineberipika ng mga awtordidad

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2017 09:27 PM | Updated as of Jun 18 2017 12:13 AM

Inaalam ng lokal na awtoridad ang katotohanan sa mga ulat tungkol sa mga namamatay na residente sa evacuation centers matapos lumikas sa Marawi City.

Sa press briefing sa Marawi, binanggit ni Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng Provincial Crisis Management Committee, na may mga ulat tungkol sa mga namamatay sa evacuation centers dahil sa dehydration at pre-existing health conditions.

“We’re still consolidating the data. We cannot give you an accurate description insofar as the cause of death, but based on what we have received so far, most of the cases are dehydration and pre-existing health conditions,” aniya.

Naiulat nang nagkakaroon na ng mga sakit tulad ng lagnat at diarrhea ang mga residenteng nasa evacuation centers.

Nananatili ang karamihan sa mga lumikas na residente sa Iligan City.

Pinag-aaralan na ng gobyerno kung magtatayo ng mga tent cities para sa mga lumikas na sibilyan mula sa Marawi at kalapit na lugar sakaling dumami pa ang evacuees at magpatuloy ang gulo, ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad.

Nag-aalala naman ang United Nations Children's Fund (UNICEF) Philippines sa sanitasyon sa evacuation centers lalo na ang ligtas at malinis na inuming tubig.

Opensiba ng militar sa Marawi, patuloy at tumitindi

Samantala, mas tumitindi pa ang opensiba ng militar sa Marawi. 
Mas malalaking sunog at mga pagsabog ang naganap at walang humpay ang putukan sa ground zero buong umaga.

"In the last 48 hours nagkaroon tayo ng vantage points, kitang kita yung position nila kaya tuloy tuloy ang surgical airstrike, we are integrating our air force and army capability," ani Joar Herrera, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi.

Pero inamin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi madaling basagin ang depensa ng Maute, lalo't may mga hawak silang sibilyan.

"They are still capable to inflict casualties towards our troops, meron pa ring snipers, anti tank weapons, this is part of the plan to take them down as soon as possible," ani Herrera.

Bagama't mas tumitindi ang mga opensiba ng militar ngayon sa Marawi, nais pa ring bumalik sa laban ng ilang sugatang sundalo sa Marawi. 

Nagkuwento ang ilan sa mga sugatang sundalo tulad ni P/FC Mark Erwin Rule na tinamaan sa kanyang braso.

"Kinabahan ako dun, nakita ko 'yung tao malapitan lang pareho kami may baril pareho kami pumuputok nag-uunahan kami kung sino makauna," aniya.

Sa hita naman ang tama ni Sgt. Christopher Tamparong, ''Pag insert namin in-ambush kami, nakatalon kami sa sasakyan pagtalon namin nag-cover kami. Pasalamat kami sa Panginoon.''

Matapos payagan ng mga doktor ng militar, babalik ulit ang dalawa sa matinding labanan.

"Nag-udyok sa'kin tapusin ang laban na ito para din sa mga tao, hindi lang kami ang nahihirapan, pati mga sibilyan nahihirapan na din sila," ani Rule.

Para kay Tamparong naman, "Hindi ito para sa amin, para ito sa ating lahat."

--May ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.