Tulong para sa anak na may sakit, inaapela ng amang lumikas sa war zone

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2017 08:09 PM | Updated as of Jun 18 2017 12:04 AM

Pilit nagpapakatatag at nilalabanan ng mga sundalong nasa front line ang pangungulila sa kanilang pamilya, lalo pa't Father's Day sa Linggo. 

Samantala, may kinahaharap na bagong hamon ang amang bumuhat sa anak na may sakit palabas ng warzone. 

Isinugod sa intensive care unit ang anak ni Loloy kaninang madaling araw ng Sabado matapos bumagsak ang presyon bunsod ng sepsis dahil sa pneumonia. 

Patuloy pa rin namang nagpapakatatag ang anak nito. 

"Ang dami niyang sakripisyo. Kahit nasa bingit ng kamatayan ako, niligtas niya pa rin ako," ani Brian, anak ni Loloy.

Naniniwala si Loloy na gagaling ang anak, ngunit namomroblema ito ng pantustos sa pagpapagamot. 

"Sana matulungan kami. Gusto ko siyang ipagamot kung maaari sa Maynila. Kung may naaawa, humihingi kami ng tulong," ayon kay Loloy. 

Ilang sundalong ama, sa warzone magdiriwang ng Father's Day

Sinamantala naman ng mga sundalo ang maluwag na oras nila upang tumawag sa kani-kanilang mga pamilya nang makahugot man lang ng inspirasyon at lakas ng loob bago sumabak sa laban. 

"Binati ako ng 'Happy Father's Day'. Talagang hindi mo mapigilang maluha. 'Huwag kayong mag-alala, at hindi ako mamamatay dito,' " kuwento ni Sgt. Ronnie Halasan. 

Tumulak naman Sabado ng umaga patungong Marawi City ang mahigit 400 tropang militar sa Western Visayas. 

Napuno ng luha at mga mensahe ng pagpapaaalam ang ginanap na send-off ceremony para sa kanila. Mahigpit na nagyakapan ang ilan sa mga sundalo at kanilang pamilya. 

Nangakong babalikan ni Cpl. Jessie Cabaltero ang kanyang asawang buntis. Kalong naman ni P/FC Leonard Diergos ang kanyang apat na taong gulang na bunso at panganay na anak. 

"Huwag kang mag-alala. Babalik ako," ani Diergos. 

"Mag-ingat ka roon. Mahal na mahal ka namin," ayon sa asawa at mga anak ni Diergos. 

Hindi maitago ng kanilang mga magulang, anak, at kabiyak ang pangamba para sa seguridad ng kanilang mga mahal sa buhay na sasabak sa giyera. 

Ayon kay Major General Jon Aying, tutulong sila sa clearing operation sa Marawi at nakahanda sila sa anumang mangyari. 

-- Ulat nina Raphael Bosano at Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.