Hindi bababa sa 6 ang patay sa pag-araro ng truck sa mga tindahan sa Taytay

Jeffrey Hernaez, DZMM

Posted at Jun 18 2017 12:36 AM

Umakyat na sa 6 ang bilang ng mga nasawi sa pag-araro ng isang 10-wheeler truck sa pila ng mga tricycle at hanay ng mga tindahan sa Cabrera road, Taytay, Rizal.

Ayon kay Supt. Samuel Delorino, hepe ng Taytay PNP, binawian na rin ng buhay ang isang bata na naipit ng nayuping tricycle.

Naisugod pa ang paslit sa Taytay Emergency Hospital ngunit binawian rin ng buhay.

Labing-pito katao naman ang naiulat na sugatan sa nangyaring aksidente. Inaalam pa ng mga awtoridad kung mayroon pang hindi pa nabibilang na sugatan.

Nilinaw naman ni Engr. Elmer Espiritu ng Taytay Municipal Disaster Risk Reduction Office na matagal nang may ipinapatupad na 10 km/h na speed limit sa Cabrera Road, ngunit hindi umano ito sinusunod ng mga driver.

Patuloy na sumasailalim sa imbestigasyon ang naarestong driver ng truck na si John Paul Teston.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.