Health card ng insurance company, inirereklamong hindi magamit

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2017 08:49 PM | Updated as of Jun 17 2017 11:56 PM

Inirereklamo ang isang insurance company dahil sa umano'y hindi nagagamit na binayarang health card.

Isa si "Aiko," di tunay na pangalan, sa nakumbinsi na kumuha ng health insurance sa isang sangay ng Caritas Health Shield.

Aminado si Aiko na hindi siya pinilit at kusa niyang pina-swipe ang credit card para magbayad ng higit P36,000. Pero makalipas ang 3 buwang pag-follow up, walang inisyung policy number o card sa kanya.

"Sabi ko, 'Akala ko ba ite-text niyo ako. Ifa-follow up. Sasabihin niyo kung ano ang nangyari sa policy ko.' Sabi niya, 'Wala pa raw eh,' " ani Aiko.

Nagalit na ang mister ni Aiko na overseas Filipino worker (OFW) dahil hindi nagagamit ang binayarang health card sa mga check-up ng anak.

"Ang gusto ko po ibalik na lang nila 'yung pera namin kasi naaawa ako sa asawa ko, naghihirap sa ibang bansa. Tapos ganyan lang. Akala namin matutulungan kami ng Caritas na 'to hindi naman pala," aniya.

Sagot naman ng Caritas Health Shield, noon pa umanong Enero 12, gumana ang card at policy ni Aiko.

Nitong linggo, napag-alaman kay Aiko na ibinalik na sa kanya ang perang kinaltas sa credit card niya.

Pero ang Insurance Commission (IC), naglabas ng "show cause order" kung saan pinagpapaliwanag ang Caritas dahil umaabot sa mahigit 100 ang reklamo laban sa kanila.

"We are requiring the company to explain ano 'yung sagot nila sa doon sa mga complaints ng members nila," ani Joanne Frances Castro, abogado at spokesperson ng naturang commission.

Hinikayat ng komisyon ang mga may reklamo na sumulat o tumawag sa kanila para maghain ng complaint.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.