5 patay sa pag-araro ng trailer truck sa mga tindahan sa Taytay

Jeffrey Hernaez, DZMM

Posted at Jun 17 2017 01:34 PM

Photo courtesy of Bayan Patroller Johnny Hawks

Limang katao ang kumpirmadong patay habang 17 naman ang sugatan matapos na araruhin ng isang 10-wheeler truck ang dalawang tricycle at mga tindahan sa kahabaan ng Dolores Road sa Taytay, Rizal Sabado ng umaga.

Wala pang pagkakakilanlan ang mga nasawi maging ng mga sugatan na dinala sa mga pagamutan malapit sa lugar.

Inaalam pa rin ng awtoridad ang kalagayan ng dalawang biktima, kabilang na ang dalawang taong gulang na bata na nagtamo umano ng matinding pinsala sa katawan.

Nahihirapan pa ang awtoridad na alisin ang truck na minamaneho ni John Paul Eston dahil humiwalay ang trailer nito at bumalagbag sa kalsada.

Kita naman sa kuha ng CCTV (closed-circuit television) camera na may iniwasang dalawang tricycle ang truck na naging dahilan para sumalpok ito sa puno at tuluyang araruhin ang mga tindahan.

Patuloy na iniimbestigahan ng awtoridad ang aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.