Umano'y akyat bahay, patay nang nakawin ang baril ng pulis sa Taguig

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 12:35 PM

MANILA - Patay ang isang umano'y miyembro ng akyat-bahay matapos nitong looban ang inuupahang boarding house ng isang pulis sa Lower Bicutan sa Taguig, Biyernes.

Ayon kay PO1 JC Mar Pahitong, lumabas siya sandali upang mag-ehersisyo subalit pagbalik niya ay nadistrongka na ang kanyang pintuan, at nawawala na ang kanyang 9mm service firearm, pera, at cellphone. 

Nakatanggap ng impormasyon ang Taguig PNP na may lalaking nagbebenta ng baril sa Barangay South Daang Hari kaya't agad na natunton ang suspek.

Nakipaghabulan pa umano ang suspek na si Michael Jay Dela Cruz sa mga pulis at nagpaputok ng baril.

Namatay agad ang suspek matapos itong magtamo ng tama ng baril sa ulo at sa dibdib.

Nabawi mula sa namatay na suspek ang service firearm ng pulis, at nakarekober ng 5 sachet ng hinihinalang shabu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.