Pulis sa Quezon City, arestado dahil sa investment scam

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 01:10 PM

MANILA - Arestado ang isang pulis, Biyernes, matapos itong sampahan ng patong-patong na kaso ng estafa dahil sa umano'y panloloko sa 10 tao gamit ang isang investment scam.

Inaresto si SPO1 Honorio Negrito matapos siyang sampahan ng 10 kaso ng estafa, sabi ni Supt. Rodel Marcelo, hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

Noong 2005 pa nang simulan ni Negrito ang pag-aalok ng umano'y investment sa ilang tao, base sa imbestigasyon.

Magbibigay ang suspek ng P6,000 kada buwan na interest para sa bawat P100,000 na ipapasok sa naturang programa, paliwanag ni Marcelo.

Pero noong 2017 ay wala na siyang naibibigay na interest sa investors kaya't idinemanda na siya ng mga ito, sabi ni Marcelo.

Hindi malinaw kung saan dinala ni Negrito ang pera ng investors dahil iba-iba ang paliwanag nito sa lahat ng makakausap, dagdag ni Marcelo.

Kabilang sa mga nabiktima ni Negrito ang mga kasamahan niyang pulis.

Nakakulong ngayon sa detention facility ng CIDU si Negrito at nasa P400,000 ang itinakdang piyansa ng korte sa kanya para mga kasong estafa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.