Halos 4,000 bagong opisyal sa Calabarzon, nanumpa kay Duterte

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 07:21 AM

LAGUNA - Pormal nang nanumpa ang halos 4,000 bagong halal na punong barangay sa Calabarzon sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes.

Ikinatuwa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na halos lahat ng opisyal ang nakadalo sa pagtitipon na ginanap sa sports complex ng Sta. Rosa City, Laguna.

Bago ang panunumpa, sumalang ang mga punong barangay sa orientation.

Muli silang pinaalalahanan ukol sa mga programa ng gobyerno laban sa kriminalidad, terorismo, at katiwalian.

"Gawin natin ang ating responsibilidad. Isipin at isabuhay ang pagiging matino, mahusay, at maaasahang lingkod bayan sa lahat ng oras," ani Interior Secretary Eduardo Año.

Ipinaalala rin ni Duterte ang kaakibat na tungkulin ng sinumpaang puwesto.

"Our main purpose in this job, the long and short of it, is we protect the people. That includes taking care of government welfare, property, funds and all others that would make life of Filipino at least a comfortable one for the next few months," aniya.

Nagbabala rin ang pangulo sa mga punong barangay na masasangkot sa ilegal na droga.

Sinabi rin ni Duterte sa kaniyang talumpati ang planong armasan ang mga opisyal ng barangay para makatulong sa pagsugpo ng krimen. 

Pero nilinaw niyang ang pulisya pa rin ang magsasagawa ng mga operasyon.

"You only give the direction, but the actual operation belongs to the police," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.