1 sugatan sa banggaan ng bus at motor sa Commonwealth

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 12:09 PM

MANILA - Sugatan ang isang motorista matapos nitong tumalon mula sa kaniyang minamanehong motor na sumalpok sa isang bus sa Kahabaan ng Commonwealth Elliptical Road, Biyernes.

Ayon sa driver ng bus na si Chica Pepe, biglang sumulpot ang motorsiklo sa harap ng bus at tila nais mag u-turn. 

"Sinubukan kong iwasan ang motor pero sa parehong direksyon din kumabig ang motorsiklo kaya natumbok," dagdag ni Pepe.

Nayupi ang bumper ng bus at halos pumailalim naman sa bus ang motorsiklo. 

Kinumpirma ng ibang motoristang nakakita sa insidente na biglang sumingit ang motorsiklo sa harapan ng bus.

Tumalon ang 'di pinangalanang driver ng motor at sinubukan pang tumakbo pero hinabol ng ilan para madala sa ospital, sabi ni Eric Bonifacio, isang driver na nakakita sa insidente.

Walang ibang naiulat na nasaktan sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.