Tapat na taxi driver nagsauli ng bag sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 11:03 AM

Ibinigay ng tapat na drayber ang nakita niyang bag sa minamanehong taxi sa pulisya.

DAVAO CITY - Hindi nagdalawang-isip ang isang 23-anyos na drayber na ibigay sa mga awtoridad ang naiwang bag sa loob ng kanyang minamanehong taxi, Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa tsuper na si Cahar Borcay, nakita niya ang bag sa likod ng sasakyan pero hindi niya alam kung kanino ito isasauli dahil wala itong lamang ID.

Ang ginawa ng tapat na drayber, dinala niya sa Sta. Ana police station ang bag na sa tingin niya ay naiwan ng pasaherong sumakay sa airport.

Ibinigay ng tapat na drayber ang nakita niyang bag sa minamanehong taxi sa pulisya.

Nang suriin naman ng mga pulis ang bag, puro gamit pang-esukwela ang nasa loob nito.

Ipinagmalaki naman ng mga police ang drayber dahil sa katapatan at magandang kalooban nito. 

Ayon kay Inspector Alfred Rubrico, hepe ng Sta. Ana police, may halaga man o wala ang isang bagay, kung hindi sa iyo ay dapat ibalik talaga sa may-ari.

Umaasa si Rubrico na magiging mabuting halimbawa sa iba pang mga taxi driver ang ginawa ni Borcay. 

Samantala, inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng bag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.