Suspek sa panggagahasa ng 5-taon bata, nang-agaw umano ng baril, patay

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 03:15 PM | Updated as of Jun 14 2018 03:35 PM

TAMPAKAN, South Cotabato - Patay ang suspek sa panghahalay at pagpaslang sa isang 5-taon-gulang na babae matapos umano niyang subukang agawin ang baril ng isang pulis sa bayan na ito, Miyerkoles ng gabi.

Ang suspek ang huling nakitang kasama ng bata bago ito inulat na nawawala noong Linggo ng hapon. 

Matapos ang ilang oras na paghahanap, nakita ang bangkay ng bata na tinabunan ng mga bato sa isang creek sa bayan. Nakitaan ito ng mga sugat sa pribadong bahagi, indikasyon na nagahasa ito, ayon sa mga imbestigador. 

Nahuli ang suspek sa Alabel, Sarangani nitong Miyerkoles ng hapon at dinala pabalik sa Tampakan. Inamin nitong nagawa niya ang krimen dahil sa kalasingan. 

Kinagabihan, sinubkan umano ng suspek na dakmain ang baril na nakasukbit sa tagiliran ng isang pulis na kukuha sana sa kaniyang fingerprint habang nasa loob ng investigation room, sabi ng pulisya. 

Dahil dito, binaril siya ni Tampakan police chief Senior Insp. Rafael Banggay na nakakita sa pangyayari. 

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang suspek dahil sa tama ng bala sa dibdib. 

Nakatira ang suspek katabi ng bahay ng biktima. 

Magdiriwang sana ng ika-6 na kaarawan ang bata ngayong Sabado.

May ulat ni Jay Dayupay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.