Pinaslang na pari sa Nueva Ecija, inalala

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 07:38 PM | Updated as of Jun 15 2018 11:46 PM

  • Senate probe sa priest slays, isinusulong
  • Pagtugis sa mga dawit sa pagpaslang patuloy
Watch more in iWantv or TFC.tv

Dinagsa nitong Huwebes ng mga kaanak, kaibigan, at katrabaho ang huling araw ng burol ng napaslang na paring si Fr. Richmond Nilo sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Magdaraos sana ng misa si Nilo sa kapilya ng Barangay Mayamot sa bayan ng Zaragoza, Nueva Ecija noong Linggo nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Higit dalawang taong nagsilbing parish priest sa Zaragoza si Nilo.

Ayon sa gurong si Amel Manocdoc, masipag na pari si Nilo at kada linggo ay hindi bababa sa pito ang idinadaos niyang misa sa iba't ibang barangay. 

"Sa kaniyang mga homiliya, kapag kami nagmimisa dito sa eskuwelahan, mga maiiksing homiliya lang pero iyong mapapaisip ka," kuwento ni Manocdoc.

Inilarawan namang palabiro si Nilo ng matalik niyang kaibigang si Arcie Pararuan.

"Maraming jokes 'yan eh, marami siyang kuwento na nakakatawa," aniya.

Pero nagiging seryoso raw ang pari kapag ang kaniyang bokasyon na ang pinag-uusapan.

"Kapag sa trabaho, kahit kaibigan ka niya, kapag mali ka, mali ka. Kapag kailangan itama, itatama niya," dagdag ni Pararuan.

Sa susunod na buwan sana ipagdiriwang ni Nilo ang kaniyang ika-44 kaarawan at ika-17 taon bilang pari.

MGA SUSPEK, PINAGHAHANAP PA RIN

Patuloy naman ang pagtugis ng mga pulis sa mga suspek kaugnay sa pagpaslang kay Nilo.

Nakatakdang ilabas sa Biyernes ang composite sketch ng dalawa sa limang suspek.

Patuloy naman ang pag-review sa mga kuha ng CCTV para mabigyan ng malinaw na larawan ang ibang suspek, ayon kay Central Luzon police director Chief Superintendent Amador Corpuz.

"The other three (suspects) are seen on CCTV footage. Kasalukuyan pong nire-review to get a clearer picture," ani Corpuz.

Tatlo pa rin ang tinitingnang motibo sa pamamaslang, kabilang ang posibleng away sa lupa at alitan sa relihiyon.

Pursigido naman ang nakiramay na si Sen. Bam Aquino na isulong sa Senado ang pag-iimbestiga sa pagpatay kay Nilo at sa iba pang pari noong mga nakaraang buwan. 

"Sa panahon natin na may mga paring pinapatay sa loob mismo ng simbahan, magtataka ka talaga kung ano, may safety ba talaga tayo? Ligtas ba talaga tayo?" ani Aquino.

Ito ang ikalawang kaso ng pagpatay ng pari sa Nueva Ecija matapos mapatay sa pamamaril si Fr. Marcelito Paez sa bayan ng Jaen noong Disyembre. 

Isa ring paring Katoliko, si Fr. Mark Anthony Ventura, ang pinatay noong Abril matapos magdaos ng misa sa Gattaran, Cagayan.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.