PCOO Usec Egco inireklamo sa Ombudsman

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 05:53 PM | Updated as of Jun 14 2018 08:50 PM

MAYNILA (UPDATE) - Sinampahan ng patong-patong na reklamo sa tanggapan ng Ombudsman si Presidential Communications Operations Office Undersecretary Joel Egco nitong Huwebes.

Inireklamo ni Joel Amongo, pangulo ng DILG-Napolcom Press Club si Egco ng online libel, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, at paglabag sa mandato ng kaniyang opisina.

Basehan ng reklamo ni Amongo ang mga post ni Egco, na siya ring pinuno ng Presidential Task Force on Media, sa social media na nanlalait umano sa grupo nila.

Tinawag din umanong "hao-shiao" o pekeng mamamahayag ni Egco ang grupo ni Amongo.

Giit ni Amongo, sa halip na proteksiyonan sila ng opisyal na bahagi ng mandato niya ay ito pa ang nangunguna sa panggigipit sa kanila.

Ayon naman kay Egco, paninira lamang sa kaniya ang mga reklamong isinampa ni Amongo.

“This is clearly a smear campaign against me, intended to fend off the filing of appropriate charges against them,” ani Egco sa isang pahayag.

Paliwanag ni Egco, nagsampa si Amongo ng kaso matapos umano niyang ipaalam sa Pilipino Mirror, ang dating kompanya ni Amongo, ang diumano'y mga ilegal na gawain nito.

Matatandaang dati nang nag-isyu ng resolusyon ang Press Corps ng Department of the Interior and Local Government laban sa grupo ni Amongo na nananakot umano sa mga mamamahayag na nagbabalita mula sa nasabing ahensya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.