Panukalang armasan ang barangay officials, tinutulan

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 09:41 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mariing inalmahan ng ilang kongresista ang panghihikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng baril ang mga opisyal ng barangay bilang parte ng kampanya kontra kriminalidad.

Ayon sa ilang mambabatas, mas mainam na mas palakasin ang puwersa ng Philippine National Police (PNP) dahil ang mga ito ang may pangunahing obligasyon sa pagpapatupad ng batas laban sa krimen.

"We should instead focus on equipping our police force with right equipment and training," ani Magdalo paty-list Rep. Gary Alejano.

Sinegundahan din ito ni Akbayan paty-list Rep. Tom Villarin. Aniya, posibleng magdulot ng malawakang pang-aabuso at karahasan ang pag-aarmas sa mga barangay official.

"Instead of being peaceful mediators, conciliators or arbitrators, you will turn them into armed enforcers or, worst, armed goons of politicians," ani Villarin.

Mungkahi naman ni Sen. Franklin Drilon, kailangan mas pagtibayin ang criminal justice system ng bansa.

"Impose the standards on law enforcement that the people deserve…We must make criminal pay and restore the rule of law," ani Drilon.

Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), dapat munang alamin ang kahandaan ng mga punong barangay sa paggamit ng baril. 

"Ang tungkulin ng mga punong barangay sa law enforcement ay tumulong sa ating mga kapulisan....Kailangan pag-aralan ang kahandaan ng mga punong barangay na magdala at gumamit ng armas para maiwasan ang marami pang paglabag sa mga karapatang pantao sa iba't ibang komunidad," anang CHR. 

Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), awtorisadong magdala ng baril ang mga punong barangay pero sa kanilang nasasakupan lamang.

Pasubali naman ng DILG, dapat huwag armasan ang mga barangay official na nasasangkot sa droga o mga nasa drugs watch list.

"In-emphasize lang ng ating Pangulo na he will support those barangay captain who will fight against illegal drugs and criminality," ani DILG Usec. Martin DiƱo.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.