Mayor sa bayan sa Ilocos Norte, ipinatanggal ng DILG

Randy Menor, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 09:58 PM

PAOAY, Ilocos Norte—Tinanggal ng Department of the Interior and Local Government sa puwesto bilang alkalde ng bayang ito si Jessie Galano dahil sa kasong grave misconduct.

Kahit wala sa kaniyang opisina sa munisipyo, epektibo pa rin Huwebes ang pagtatanggal kay Galano sa puwesto.

Mismong ang DILG regional legal officer na si Joseph Apolonio ang naghain ng dismissal order kay Galano.

Ipinaskil ang order sa pintuan ng kaniyang opisina. Kasama niyang natanggal sa pwesto si municipal administrator Bruno Dumlao.

Ayon kay Apolonio, pumunta pa sila sa bahay ni Galano at Dumlao pero wala sila. Wala rin ang mga staff ng mayor dahil naideklara na walang pasok sa araw na ito dala ng malakas na pag-ulan.

Uupong mayor si Vice-Mayor Elaine Guerrero at uupo namang bise-alkalde si First Councilor Larry Abundo dahil sa law of succession.

Pero ayon kay Apolonio, makakabalik sa puwesto si Galano kung mananalo ito sa inihain niyang motion for reconsideration sa Ombudsman. 

Ipinatatanggal ng Ombudsman si Galano bilang mayor dahil sa kasong grave misconduct na naisampa noong 2015.

Noong bise mayor pa lang ito, pinirmahan niya ang travel order ni Bruno Dumlao, na noon ay konsehal, sa pagdalo niya ng isang okasyon.

Inireklamo siya ng nakaupong mayor noon na na si Dolly Clemente ng grave misconduct, dahil wala umanong karapatan si Galano na magpirma ng travel order. Na-dismiss ang kasong kriminal ni Galano pero hindi siya nakalusot sa kasong administratibo.

Nasampahan din ng kasong dishonesty at grave misconduct si Dumlao. Kinuwestiyon ang mga resibo na ipapa-reimburse niya sa umano’y pagbiyahe nito.

Hanggang ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si Galano hinggil sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.