Libreng tuition sa pampublikong kolehiyo, ipatutupad na

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 12:35 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv


Pinirmahan nitong Miyerkoles ng Commission on Higher Education (CHED) at tagapamahala ng mga pampublikong kolehiyo at pamantasan ang isang kasunduan para sa libreng edukasyon ng mga estudyante ngayong paparating na pasukan.

Kabilang sa saklaw ng kasunduan ang 190 na state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) sa bansa.

Epektibo nang maipapatupad simula ngayon ang Republic Act 10931 o "Universal Access to Quality Tertiary Education Act" na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.

Bukod sa matrikula ay hindi na rin babayaran ng mga estudyante ng SUCs at LUCs ang ipinapataw na miscellaneous fees. 

Pangamba naman ng ilang tagapamahala ng mga eskuwelahan, baka anila mahuli ang nakalaang budget ng gobyerno para sa pambayad sa suweldo ng mga empleyado at panggastos sa pagpapanatili ng impraestruktura ng mga paaralan.

"Nakakatakot kasi usually upon enrollment, we collect as much as full payment from the students... Right now we have already enrolled to the figure of 10 thousand, wala pa kaming nakokolekta kahit singko," ani Emanuel de Guzman, pangulo ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).

"We dont know how they are going to schedule the payment...Some parts of the income are used to pay for some benefits ng mga employees and faculty," dagdag ni de Guzman.

 

Edukasyon sa probinsiya

Ani de Guzman, mas darami pa ang mga estudyante na pipiliing mag-aral sa SUCs at LUCs sa probinsiya dahil sa batas.

"Kasi mahal ang pag aaral dito (Metro Manila)...that can be offset for the cost of education in big cities like this, so instead of studying in PUP, they will study in SUCs near them," ani de Guzman.

Ikinatuwa naman ng ilang estudyante ang implementasyon ng libreng edukasyon.

"Imbes na ipambayad sa tuition, puwede po naming gamitin sa transportation, so malaking tulong," ani Ervin Marbida, estudyante sa PUP.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.