Lalaki, patay nang pagbabarilin ng 'nakaalitang' kumpare sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 07:19 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Patay ang isang lalaki sa San Pedro City, Laguna matapos pagbabarilin noong gabi ng Miyerkoles ng kaniyang kumpare dahil umano sa alitan.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay San Antonio, mapapanood na lumabas ng kaniyang bahay ang suspek na si Ronilo Sanchez pasado alas-7 ng gabi at sumakay ng kaniyang e-bike para lapitan ang kumpareng si Allen Gamboa. 

Nang makalapit ay biglang pinagbabaril ni Sanchez si Gamboa bago sumakay ulit sa kaniyang e-bike at tumakas.

Naitakbo pa sa ospital si Gamboa pero binawian din ng buhay.

Masama ang loob ng mga kaanak ng biktima dahil hindi nila inakalang mapapatay ni Sanchez ang mismong kaibigan.

"Parang hayop ginawa mo eh. Binaril mo ng anim na beses eh," anang kapatid ng biktima na si Jeffrey.

Ayon sa isang opisyal ng kanilang barangay, may iba umanong nakaalitan si Sanchez at umawat sa kanila si Gamboa hanggang sa umabot sa puntong ang dalawa na ang nagtalo.

Nagsuntukan pa umano ang dalawa at natalo si Sanchez kaya gumanti ito.

Dismayado naman si Calabarzon police director Chief Superintendent Edward Carranza sa mga residente dahil base sa kuha ng CCTV ay tila pinanood lang nila ang pag-alis ng suspek.

"Dapat nga kinuyog eh pero parang balewala, ordinary na lang," ani Carranza.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad si Sanchez.-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.