Lalaki arestado sa cyber porn sa Cebu; 8 bata nailigtas

Edgar Escalante, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 11:02 PM

TALISAY CITY, Cebu - Arestado ang isang 30-anyos na lalaki matapos umanong mambiktima ng mga menor de edad para sa cyber pornography sa Barangay Cansojong, Talisay City, Cebu nitong Huwebes.

Nailigtas sa operasyon ang 8 menor de edad. 

Kinunan umano ng suspek ng larawan ang mga bata gamit ang cellphone habang nakahubad. Ang mga hubad na larawan ay ibinibenta niya sa mga foreigner.

Mahigit dalawang buwan minanmanan ng pulisya ang suspek at nalaman nila na mismong mga pamangkin ng suspek ang ginagamit niya sa kanyang ilegal na gawain. 

May mga batang kapitbahay din siya na kinukuha para maghubad at kunan ng larawan. Nasa 10-anyos hanggang 16-anyos ang mga biktimang na-rescue.

Dagdag ni Chief Insp. Leo Dofiles, hepe ng PNP Anti-Cybercrime Office, hiningan sila ng suspek ng P5,000 para sa mga larawan at live show na gagawin ng mga bata.

Ayon sa suspek, kailangan niya raw ng pera at ito ang pinakamabilis na paraan niya para kumita.

Haharap ang suspek sa kasong paglabag sa Anti-Cyber Crime Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.