Carpet, telepono, damit, ilan sa basurang nahakot sa Estero de Magdalena

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 12:38 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mga lumang damit, carpet, rolyo ng goma, at maging telepono.

Ilan lamang iyan sa mga nadiskubreng nakabaon sa ilalim ng Estero de Magdalena habang isinasagawa ang "bayanihan" clean-up drive sa lugar nitong Miyerkoles.

Tantiya ng mga "river warrior" ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), posibleng ilang taon nang nasa ilalim ng estero ang mga basurang walang habas na tinapon lang ng mga residente. Karamihan nga sa mga ito, nanuot na sa ilalim ng mga bahay. 

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), "bubugbugin" nila sa clean-up ang lugar katuwang ang PRRC at Manila LGU, kasabay ng relocation ng mga informal settler doon. 

Muling pinaalala ng PRRC na bagama't sila ang ahensiyang inatasan na pangalagaan ang mga estero at Pasig River, hindi ibig sabihin nito na may karapatan na ang publiko na maging salaula sa kapaligiran. 

Maliban sa paglilinis, kailangan din nilang panatalihin ang kaayusan ng iba pang esterong dati’y pinamugaran ng dumi pero ngayo’y bumalik na sa dating sigla. 

"May mga iba kaming proyekto like pagandahin ang paligid ng mga estero. So kung magfo-focus lang sa paglilinis, matetengga naman 'yung iba naming gagawin," ani PRRC executive director Jose Antonio Goitia. 

Paliwanag nila, hindi kasi biro ang panahong ginugugol sa mga ito. 

Dalawang taong inayos ang Estero de San Miguel, habang tatlong taon naman ang hinintay sa pagbabagong-anyo ng Maytunas creek. 

Fast food branch sinita

Bukod sa Estero de Magdalena, nagsagawa rin ng paglilinis ang MMDA sa mga drainage sa Maynila at Parañaque. 

Sa una’y aakalain na bato ang nakuha nila na bumabara sa mga drainage sa may Taft Avenue, pero 'yun pala ay tumigas na langis ito. 

Sinita ang isang fast food restaurant na nakitaan ng isang tubo na naglalabas umano ng untreated waste sa drainage. 

Pero giit ng manager ng restaurant, may mga gamit sila para masala ang sebo sa tubig. 

"Meron po kaming grease trap at preventive inspection sa mga sewage system namin," depensa ni Renus Warren Wacayan, manager ng naturang fast food restaurant.

Hinaing naman ng MMDA, may mga ilegal na tapping ang ilang mga establisimyento na nagdudulot ng pagbaha dahil hindi naman kaya ng drainage. 

Ngayong tag-ulan na, asahan pa umano ang mas pinaigting na operasyon sa mga baradong drainage system.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.