Bata, patay nang masagasaan sa harap ng paaralan sa Naga

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 07:53 PM | Updated as of Jun 15 2018 03:53 PM

NAGA CITY—Patay ang isang Grade 2 na estudyante nang masagasaan ng isang kotse sa may bahagi ng Barangay Sta. Cruz Huwebes ng tanghali.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikita ang biktima na si Jeanna Margeoux Balatinsayo na nakatayo sa gilid ng gate ng Sta. Cruz Elementary School, habang may paparating na itim na kotse.

Nang tatawid na ang bata, dumaan ang isang pedicab, saka tumakbo ang biktima at nabundol ng kotse.

Matapos mabundol, nasagasaan pa ito ng 2 beses.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, hindi napansing tumatawid ang bata dahil sa pagdaan ng pedicab.

Naisugod pa sa ospital ang batang biktima pero namatay rin matapos ang isa't kalahating oras.

Kuwento ng principal na si Juliet PeƱalosa, bibili lamang umano si Balintasayo ng chichirya sa labas ng paaralan. Inalok niya ang ilang kaklase pero walang sumama sa kanya.

Mag-isa rin itong umalis ng classroom at pumuslit sa guwardiya.

Kinilala ang nakabangga na si Dionely Jacob Dematera, 51, na guro sa unibersidad na malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Agad naman siyang sumuko sa pulisya at nagsabing tutulong sa biktima.

Mayroong barikada at pedestrian lane sa harap ng paaralan pero plano ng barangay, dagdagan ang magbabantay rito para mapatawid nang maayos ang mga mag-aaral.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.