Bagong laya, huli nang magnakaw ng bisikleta

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 06:57 AM

MAYNILA - Arestado ang isang bagong laya matapos magnakaw ng bisikleta sa Valenzuela City.

Kinilala ang suspek na si Jeffrey Quizon na 3 buwan pa lang nakalaya dahil sa kasong pagnanakaw.

Nakuhanan sa CCTV ang suspek sakay ng bisikleta habang hinahabol ng mga residente.

Tinangay nito ang isang bisikleta na nasa loob ng gate ng isang bahay.

Sumemplang ang suspek pero nagawa niyang makatakbo sa isang compound.

"Nahuli namin siya nakasuksok sa tambak ng mga kahoy. Talagang pinilit niya pagkasyahin ang katawan niya para maitago niya," ani Patrick Perez, Barangay Ex-O ng Karuhatan.

Depensa ni Quizon, nagawa niya ito upang pambili ng pagkain.

"Kung mapapatawad niya po ako sa ginawa ko, salamat po. Kung hindi po, okay lang sa akin," aniya.

Taga-Caloocan City ang suspek na dumayo lang sa Valenzuela.

Mahaharap si Quizon sa kasong theft. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.