100,000 construction workers, sasanayin ng TESDA para sa 'Build, Build, Build'

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 04:44 PM | Updated as of Jun 14 2018 06:31 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Layon ng gobyerno na makapagsanay ng aabot sa 100,000 na construction workers para matugunan ang kakulangan ng manggagawa para sa naturang sektor.

Nais ng pamahalaan na makahanap ng mga tao na gustong kumuha ng certification sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang mahasa ang kani-kanilang kakayahan sa construction.

Paniguro naman ng TESDA, walang babayaran sa pagkuha ng kurso. Kailangan lamang magpa-assess at sumailalim sa pagsasanay na aabot ng 11 araw hanggang tatlong buwan upang makakuha ng national certificate.

Ang sertipiko na ibibigay ng TESDA ang magagamit upang makapag-apply ng trabaho sa Pilipinas o ibang bansa.

Ito rin ang hakbang ng gobyerno para makapag-suplay ng sapat na trabahador para sa mga proyektong impraestruktura ng pamahalaan.

"May 'Build, Build, Build' program ang gobyerno kaya in-demand na in-demand ang construction," panghihikayat ni TESDA deputy director general Alvin Feliciano.

Sa kasalukuyang datos ng TESDA, may kakulangan pa ng 60,000 tao upang makumpleto ang kinakailangang bilang ng manggagawa sa construction sector sa Pilipinas.

Bukas din ang TESDA sa mga nais kumuha ng libreng kurso sa agribusiness, IT-Business Process Management (IT-BPM), health and wellness, at hotel and restaurant tourism.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.