Pamamaril sa lalaki, sapul sa CCTV

Angelo Caballero, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 06:30 PM

DAVAO CITY - Sapul sa CCTV ang pamamaril sa isang lalaki sa Panacan Avenue sa Davao City Miyerkoles.

Kinilala ang biktima na si Ulysses Abellar, 23 taong gulang at isang pintor para sa isang pribadong contracting company.

Nakuhanan sa CCTV ng isang kalapit na hardware ang pamamaril.

Makikita sa footage na hinahabol ng salarin ang biktima habang pinapaputukan ito.

Ayon kay Senior Inspector Noel Villahermosa, commander ng Sasa Police Station, naghihintay ng masasakyan papunta sa trabaho ang biktima nang lapitan ito ng salarin.

Agad na tumakas ang salarin sakay sa isang motorsiklo.

Ayon sa pulisya, posibleng personal na alitan ang motibo sa likod ng pamamaril.

"Based sa interview sa (asawa ng) victim, maayong tao man. Kagahapon, duda siya kay gisundan siya og duha ka nakamotor," ani Villahermosa.

(Base sa panayam namin sa asawa ng biktima, mabait na tao naman siya. Kahapon, dalawang lalaking naka-motor ang sumusunod sa kanya.)

Hindi pa nakikilala ng pulisya ang bumaril kay Abellar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.