Kawatan, nagpabalik-balik sa isang bahay para sa mga mamahaling sapatos

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 05:10 PM | Updated as of Jun 17 2017 12:17 AM

Ninakawan ng isang lalaki ang isang bahay sa Angeles City, Pampanga noong Hunyo 8 ng gabi. Nakuhanan pa ng CCTV ang pangyayari.

Natutulog ang Bayan Patroller na si Jerry Ponce at ang kanyang mga anak nang sumampa sa bakod ng kanilang bahay ang lalaki, pasado alas-11 ng gabi.

Dahan-dahan itong naglakad sa garahe at kinuha ang bisikletang nakasandal sa pader saka umalis.

Matapos ang mahigit isang oras, bumalik ang kawatan. Binuksan nito ang mga cabinet, kinuha ang ilang mamahaling sapatos, at isinilid ang mga ito sa bag.

Ipinatong muna nito ang bag sa bakod ng bahay bago bumalik muli upang kumuha ng mas marami pang sapatos, saka ito tuluyang tumakas.

Ayon kay Ponce, aabot sa P50,000 ang halagang nanakaw sa kanya.

Iniimbestigahan na ng Angeles City Police ang insidente. 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.