Grupo ng seafarers, nangangambang mawalan ng trabaho sa Qatar

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 07:05 PM | Updated as of Jun 14 2017 11:38 PM

Nangangamba ang isang grupo ng seafarers sa posibleng epekto ng diplomatic crisis sa Qatar kapag nagtagal pa ito.

Simula kasi noong nakaraang taon, naramdaman na ng mga seafarers at mga recruitment agency sa Kalaw, Maynila ang pagbaba ng bilang ng job openings mula nang bumagsak ang presyo ng langis at magkaproblema ang ilang kumpanya sa Saudi.

Ngayong may panibagong krisis sa Gitnang Silangan matapos putulin ang diplomatic at economic ties ng pitong Gulf countries sa Qatar, hindi maiwasang mangamba ulit ang isang grupo ng seafarers sa Pilipinas.

Ayon kay Capt. Gaudencio Morales, presidente ng Integrated Seafarers of the Philippines (ISP), hindi malayong may mga Pilipinong mawalan ng trabaho kung tatamaan ang ekonomiya ng Qatar.

Kung magkataon, ayon sa ISP, makakadagdag pa ang problema sa Qatar sa naging problema sa Saudi Arabia na base sa kanilang assessment, nakabawas ng 25% sa mga trabaho na maaari sanang pasukan ng mga Pinoy seafarer. 

Sa kabila nito, siniguro ng Philippine Overseas Labor Office sa Qatar na nananatiling business as usual doon. Sapat ang food supply sa kabila ng pagtigil ng pakikipagnegosyo sa Qatar ng ilang bansa.

Nakatulong din daw ang desisyon ng Qatar na huwag nang gumanti sa mga bansang pumutol ng diplomatic ties sa kanila.

Sa kabila nito, nakataas pa rin ang suspension order ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa deployment ng mga bagong trabahador papuntang Qatar.

Nananatili ring nakahanda ang DOLE rapid response team pati na ang mga ahensiya gaya ng Overseas Workers Welfare Administration sakaling may mga Pilipinong maapektuhan ng sitwasyon sa Qatar at mangangailangan ng biglaang tulong.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.