4 sugatan sa banggaan ng jeep, bus sa Airport Road

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 08:04 AM

MANILA - Sugatan ang 4 na babae matapos salpukin ng bus ang isang pampasaherong jeep sa kanto ng Roxas Boulevard at Airport Road sa Parañaque, Miyerkoles ng umaga.

Tatlo sa mga biktima ay pasahero ng jeep habang ang isa pa ay tumatawid lamang sa lugar.

Ayon sa mga saksi, nakahinto sa stoplight sa northbound lane ang jeep na may biyaheng Alabang-Baclaran nang salpukin ito ng Magicline bus na pa-Sapang Palay.

Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang likurang bahagi ng jeep gayundin ang unahang bahagi at windshield ng bus.

Ayon sa mga pulis, mabilis ang takbo ng bus at nawalan ito ng preno kaya napilitan ang driver na ibangga ito sa kaharap na jeep.

Itinakbo sa ospital ang mga biktimang nagtamo ng mga galos at minor injury sa katawan.

Tumakas naman ang driver ng jeep habang dinala na sa kustodiya ng Paranaque police ang bus driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.