2 batang mula Marawi, napilitang mag-aral sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 06:36 PM

ILOCOS NORTE - Pinagsisikapan ng Grade 1 pupil na si Akel Apino, 8-anyos, na makasabay sa bago nitong eskwelahan sa Hilario Valdez Memorial Elementary School sa Lungsod ng Batac.

Wala kasing kasiguruhan kung hanggang kailan pa mananatili ang kanyang pamilya sa Ilocos Norte o kung makababalik pa siya sa Marawi City, ang lugar kung saan siya ipinanganak, kung saan ang bakbakan ng mga tropa ng gobyerno at mga terorista ay umabot na sa ika-apat na linggo. 

Nasa Ilocos Norte si Akel matapos magdesisyon ang kanyang lola na lisanin pansamantala ang Marawi City upang maiwasan ang gulo. May kamag-anak sila na naninirahan sa lungsod ng Batac.

“Sabi nila, kung pwede daw na padalhan namin ng pamasahe kasi ayaw nilang madamay sa gulo sa Mindanao. Kaya nagpadala kami ng pamasahe para makapunta sila dito,” ayon sa tiyahin ni Akel na tumangging magpakilala.

Limitado lamang ang naiuwing gamit ng pamilya.

“Si Akel medyo may trauma, ayaw niya na nakakakita siya ng balita sa TV. Minsan 'pag binabalita 'yung nangyayari sa Marawi, hindi niya tinitignan,”dagdag ng kanyang tiyahin.

Kasama ni Akel na nag-enrol sa nasabing paaralan ang kanyang pinsan na si Johanip Maangca, 10 anyos at isang Grade 4 pupil.

Parehas ang magpinsan na walang hawak na dokumento pero tinanggap pa rin sila ng paaralan.

“'Nung pumunta sila dito sa Division namin, wala silang dala ni isang gamit or not even a record, but since there is a DepEd order stating that we have to accommodate them in as much as may problema doon sa Marawi, we accommodated them,” ani Nemalyn Ulep ng DepEd-Batac City.
 
Ginagawa naman ng mga guro ang kanilang makakaya para maturuan ang magpinsan, lalo na’t hindi sila nakakaintindi ng Ilokano at mahina sila sa Tagalog.

“'Yung teacher, triangular na ginagamit niya. Mag-English, mag-Ilokano, mag-Tagalog para maintindihan yung mga bata, o kaya pictures ang gagamitin para maintindihan nila,” sabi naman ni Mayvelyn Sanguir, officer-in-charge ng Hilario Valdez Elementary School.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.