Suspek sa pagpaslang sa huwes sa CamSur timbog

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 01:23 PM | Updated as of Jun 14 2018 11:43 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Naaresto na ng pulisya ang lalaking itinuturong pumatay sa isang huwes sa Barangay Sta. Maria, bayan ng Presentacion sa Camarines Sur.

Ayon kay Chief Supt. Antonio Gardiola, direktor ng pulisya sa Bicol region, naaresto si Wilfredo Armea nitong Miyerkoles, bandang alas-8:00 ng umaga. 

Nakuha mula sa kanya ang kalibre .45 pistola na sinasabing ginamit sa pamamaril kay Judge Ricky Begino ng San Jose-Lagonoy Municipal Circuit Trial Court.

Kinondena naman ni Acting Chief Justice Antonio Carpio ang pamamaslang kay Begino at nanawagan para sa mabilis na resolusyon sa kaso nito.

Nasa labas lamang ng kanyang bahay ang 49 anyos na huwes nang barilin ng suspek kahapon. Naisugod pa siya sa ospital pero binawian rin doon ng buhay dahil sa tama ng bala sa leeg.

Away sa lupa ang tinitingnang motibo sa krimen pero hindi nilinaw ng pulisya kung ang alitan sa ari-arian ay personal o bahagi ng kaso na kanyang hinahawakan.

--Ulat nina Raffy Santos, Ina Reformina, Kate Delovieres, at Rona Nuñez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.