Paslit patay sa pagsabog ng granadang napagkamalang laruan

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 07:44 AM

Iniinspeksyon ng mga awtoridad ang lugar kung saan sumabog ang isang granada. Larawan mula sa Mimaropa police

BULALACAO, Oriental Mindoro - Patay ang isang 7-taong-gulang na lalaki matapos sumabog ang isang granadang napagkamalan umano nitong laruan sa bayan na ito, Martes ng umaga. 

Kuwento ng ama ng biktima, nakita niya ang anak na dinala ang isang bakal na bagay sa kanilang bahay mula sa isang bakanteng lote sa Barangay Nacusob. 

Lingid sa kaalaman na isang M-203 rifle grenade ang kaniyang napulot. Hinampas umano ito ng bata gamit ang martilyo, dahilan para sumabog ang granada. 

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang paslit. 

Wala pang impormasyon kung sino ang nag-iwan ng granada sa lugar. 

May ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.