P5.7-milyon 'shabu' nakuha sa 2 sementeryo sa Cebu

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 07:46 AM

Nakalatag ang mga pakete ng drogang nasamsam ng mga awtoridad. Larawan mula sa Cebu City police

CEBU CITY - Nakumpiska ang nasa P5.7 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa 2 sementeryo sa lungsod na ito, Martes ng gabi. 

Unang naaktuhan ng mga pulis ang isang tagagawa ng lapida na nagdadala ng 475 grams o P5.6 milyon halaga ng droga sa sementeryo sa Barangay Carreta. 

Ayon sa mga pulis, isang high-value target ang suspek. Pinaghahanap din anila ang anak nito na nakatakas sa kanilang operasyon. 

Itinanggi ng suspek na dawit ang kaniyang anak sa ilegal na droga, pero inamin niyang maraming bumibili at gumagamit ng bawal na gamot sa libingan. 

Samantala, nakumpiska naman ang nasa P100,000 halaga ng droga mula sa isa pang suspek sa Chinese Cemetery sa parehong barangay. 

Inamin ng suspek na kaniya ang kontrabando. Aniya, kapos siya sa pera kaya napilitang magnegosyo ng ilegal na droga. 

Inaalam pa ng mga pulis kung sino ang supplier ng mga nadakip na suspek, kasabay ng pagpapaigting sa seguridad sa 2 libingan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.