Iba’t ibang ibon, nakumpiska sa Palawan; mga umano’y ilegal na trader, timbog

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 09:54 PM | Updated as of Jun 13 2018 11:09 PM

QUEZON, Palawan—Nasabat ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) at Philippine National Police (PNP) Maritime ang 35 kiyaw at 12 pikoy sa tahanan ng 2 lalaki sa Sitio Marirong, Barangay Malatgao sa bayang it pasado 7 a.m. noong Lunes.

Kinilala ang mga lalaki na sina Ariel Bustamante, 34, at Ariel Rapana, 24.

"Ang nangyaring operation po ay isang intel driven operation po ng Second Special Operation Unit Maritime Group 'yung nanghuli po is 'yung Quezon Special Boat Unit. In coordination na rin po ng PCSD, nag-conduct sila ng joint operations. Nahuli nila 'yung 2 identified na illegal traders,” ani Police Inspector Mikee Dawn Sagaray, Police Community Relations Officer, 2nd Special Operation Unit Maritime Group.

Ayon kay Forester Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD, maparaan na ang mga ilegal na nanghuhuli ng ibon upang hindi mahalata ang pag-iipon nila ng mga ito.

"Du'n sa likod ng bahay nila mayroong ilog doon at doon nila itinatago 'yung mga cage ng mga ibon. Mayroong isang area doon na parang falls na 'yung bagsak ng tubig. Sa likod noon may awang and may space doon na hindi nababasa. Du'n nila tinatago 'yung mga ibon at doon nila pinapakain. Of course, ang maririnig mo lang iyong lagaslas ng tubig," ani Fabello.

Hinala ng PCSD, maliliit pa ang ibon nang hinuli. Pinapalaki at pinaparami muna ito bago ibyahe pa-Maynila para ibenta.

“Pagka-marami na at ready for shipment, then that’s the time na i-si-ship nila through pump boats or lantsa. Kung ang current rate nito noon is P100 per ulo ng ibon, siguro baka ngayon nasa P250 na per ulo. And then pagdating niyan sa Maynila baka papalo 'yan ng mga P3,000 hanggang P5,000 isang piraso,” dagdag ni Fabello.

Dagdag pa nito, suspetsiya nila, may malaking grupo na nasa likod ng ilegal na pagbebenta at panghuhuli ng mga buhay-ilang sa Palawan.

“We suspect na . . . clandestine operation na talagang malakihan na ito. Kasi in the past wala tayong masyadong nahuhuli na ganitong kalalaki. But this time nakita naman natin na parang bumabalik 'yung aktibidades ng mga nag-i-ilegal sa ibon sa southern portion ng Palawan," paliwanag ni Fabello.

Kaya patuloy umanong iimbestigahan ng mga awtoridad ang mga ilegal na nanghuhuli ng mga hayop sa lalawigan.

Dinala naman ang mga ibon sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center at inaasahang pakakawalan sa kagubatan matapos mai-rehabilitate.

Haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9147 o Philippine Wildlife Act ang dalawang suspek na nasa kustodiya na ngayon ng Quezon Special Boat Unit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.