Cabanatuan vice mayor pinasisibak dahil sa paggamit ng relief goods sa kampanya

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 11:06 AM | Updated as of Jun 13 2018 11:18 AM

MANILA - Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman na sibakin sa puwesto sina Cabanatuan Vice Mayor Emmanuel Antonio Umali at 10 iba pa dahil sa pagre-repack umano ng relief foods mula sa pamahalaan para magamit sa kampanya noong 2016. 

Naunang iulat sa DZMM at TV Patrol ang anomalya kung saan umano pinalabas nina Umali na galing sa kanilang partido ang mga relief aid na mula sa Department of Social Welfare and Development. 

Ayon sa Ombudsman, nagkaroon ng grave misconduct, grave abuse of authority at conduct prejudicial to the best interest of service ang grupo ng bise-alkalde. 

Bukod kay Umali, pinasisibak rin sina councilors Gabriel Calling at Johnero Mercado, Barangay Chairmen Ramon Garcia at Richard Medina, at iba pang city official na sina Leoncio Daniel, Emelita Muyot, Fannie Bugayong, Lutgarda Domingo, Teresa Castelo at Irenfa Palma. 

Kung sakali mang wala na sa puwesto ang mga ito, kailangan magbayad ng mga ito ng katumbas sa 3 buwan nilang suweldo, ayon sa Ombudsman. 

Bagaman kasama sa mga dinawit sa anomalya, ibinasura naman ng Ombudsman ang reklamo laban kina dating Gobernador Aurelio Umali at 8 iba pa dahil sa kawalan ng hurisdiksyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.