22 huli sa droga sa Kamaynilaan

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 06:25 AM

MAYNILA - Naaresto ng mga pulis ang 22 katao, kasama ang 2 buntis, sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Kamaynilaan sa buong magdamag.

Sa Barangay Payatas, Quezon City, nahuli ang isang umano'y tulak sa ikinasang buy-bust operation.

Naaktuhan din mga pulis ang 3 iba pa, kasama ang 2 buntis, na gumagamit ng droga sa bahay ng suspek.

Nakuha sa kanila ang 7 sachet ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, at tawas na inihahalo sa droga.

Samantala, 3 katao naman ang nahuli sa buy-bust operation sa Cubao. Narekober sa kanila ang 8 sachet ng hinihinalang shabu.

Sa Barangay Pinagsama, Taguig City, naaktuhan ang 11 magkapitbahay sa isang drug session.

Nakuha sa kanila ang 7 sachet ng hinihinalang shabu at improvised paraphernalia.

Sa parehong barangay, inaresto rin ang 2 lalaki na gumagamit ng droga.

Sa Maharlika Village, hinuli ang isang lalaki at isang babae na nakuhanan ng 29 sachet ng umano'y shabu.

Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Isay Reyes at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.