Sajid Ampatuan, naghain ng 'not guilty' plea sa kasong katiwalian

Jeff Hernaez, DZMM

Posted at Jun 13 2017 01:13 PM

MANILA - Naghain ng 'not guilty' plea sa Sandiganbayan 5th Division si dating Maguindanao Governor Datu Sajid Islam Ampatuan kaugnay ng kinahaharap na kasong katiwalian.

Si Ampatuan ay nahaharap sa 34 counts ng falsification of public documents at tig-isang count para sa kasong graft at malversation of public funds.

Nag-ugat ang kaso sa umano'y maanumalyang pagbili ng P16.32 milyong halaga ng supply ng pagkain noong 2009.

Kapwa akusado ni Ampatuan sa kaso ang 7 pang dating opisyal ng Maguindanao.

Samantala, dapat sana ay isasailalim rin si Ampatuan para sa kasong katiwalian kaugnay ng P72-million proyekto ng pagpapaayos sa isang paaralan noong 2009, ngunit ipinagpaliban muna ito at muling itinakda sa Setyrembre 4.

Si Ampatuan ay isa rin sa mga pangunahing suspek sa madugong Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2009.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.