Robredo, nangangamba sa umano'y paghina ng demokrasya

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 06:35 PM

BATANGAS - Pinangangambahan ni Bise Presidente Leni Robredo ang umano'y paghina ng demokrasya sa bansa.

Hindi nakadalo sa pagdiriwang ng ika-119 na anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas sa Rizal park si Pangulong Rodrigo Duterte kahapon kaya si Robredo ang nanguna sa pagdiriwang.

Aniya, nalaman niyang hindi darating ang pangulo nang malapit na siyang dumating sa Luneta Park.

Sa kanyang mensahe kahapon, binigyang-diin niya ang umano'y paghina ng demokrasya sa bansa.

"Lately kasi maraming mga pag-challenge ng powers ng bawat isa. Marami tayong naririnig na 'hindi ko susundin ito' at tingin ko nakakatakot 'yon," aniya.

Dagdag pa ni Robredo, mahirap kung mismong ang mga nasa gobyerno ang tila bumabali sa konstitusyon.

"Kasi 'pag government agencies...Government instrumentalities 'yung hindi naniniwala sa nakalagay sa konstitusyon 'yung nagcha-challenge na sa atin 'yung mismong democracy na natin," ani Robredo.

Naniniwala naman si Robredo na dapat munang isantabi ang mga pagkakaiba-iba ng mga pulitikal na grupo.

"Dahil nangyayari ang lahat ng ito, tingin ko dapat ang nilalakasan natin 'yung resolve sa pagtulong-tulungan," aniya.

"Marami tayong kinakaharap bilang bansa. Hindi ito panahon para pag-usapan 'yung pulitika. Pero panahon ito para magkapareho man tayo ng pulitika o hindi...Panahon ito para siguruhin na pagtulung-tulungan natin 'yung pagprotekta, 'yung demokrasyang matagal nating nakamtan," dagdag pa ni Robredo.

Bumisita si Robredo sa Taysan, Batangas Martes ng umaga para kausapin ang ilang mga residente sa bayan na nasa industriya ng paggawa ng bamboo sticks na bahagi ng proyektong Angat-Buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.