PANOORIN: Pagdating ng Maute sa Marawi

Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 10:05 PM | Updated as of Jun 14 2017 02:14 AM

Bago umatake, nakihalobilo at nangaral pa raw muna sa mga residente ang mga miyembro ng teroristang Maute sa Marawi City.

Katunayan, dahil di pa noon batid ng mga taga-Marawi ang lagim na planong ihasik ng grupo, may mga nangahas pang kausapin sila at kunan ng video bago ang bakbakan. 

Sa video na kuha sa Barangay Marinaut noong unang araw, makikita ang ilang residenteng nakatitig lang sa mga lalaking naka-itim, habang ang iba ay tuloy lang sa pagbiyahe.

Nakipagkawayan pa sila nang dumaan ang Maute sakay ng ambulansiyang inagaw mula sa Amai Pakpak Hospital.

Hindi agad naunawaan ng mga residente na may malaking pag-atakeng gagawin ang grupo sa kanilang lungsod.
    
Sa kuha naman noong Mayo 24 ng residenteng kinilala lamang na "Faridah", makikita ang ilang miyembro ng Maute group na naghihintay sa silong ng isang bahay.

Tinanong ni Faridah ang mga Maute kung bakit may gulo. Sagot naman ng grupo, hindi dapat pinapayagan ang sugal at iba pang bisyo sa isang Islamic city na tulad ng Marawi.

Tinanong pa ng kapitbahay ni Faridah kung ano ang gusto ng Maute group. Tugon ng miyembro ng Maute, gusto nilang isabuhay ang Islam. 
    
Ayon kay Faridah, mga bata pa at mukhang mga anak mayaman ang mga kasama sa grupo. Nagbabasa sila ng Quran sa kalsada habang minsa'y itinututok ang malalaki nilang armas. Matapang din silang magsalita. 

Kuwento pa ni Faridah, pinapasok niya sa loob ng bahay ang isang kaibigan matapos pagalitan ng Maute dahil sa pagiging bading niya. 

Makalipas ang kalahating oras, lumikas na sina Faridah at mga kapitbahay niya sa takot.

Mga pinuno ng Maute

Naging matunog ang pangalan nina Omar at Abdullah Maute dahil sila ang itinuturong mga pinuno ng Maute group.

Nasa 20 anyos lang sina Omar at Abdullah Maute nang simulan nila ang radikal na krusadang nauwi sa terorismo. Maykaya ang kanilang pamilya at nag-aral ang dalawa sa ibang bansa.
    
Kamakailan din lang, naaresto ng mga awtoridad ang ilang batang lalaki at babaeng kasama ni Farhana Maute, nanay ng magkapatid na Maute. 

Kabilang sa mga inaresto ang sugatang sina Zulkifli Maute at Abu Basher Sulaiman na napag-alamang si Aliasgar Maute, kapatid ni Zulkifli. Pinabulaanan ng dalawa na may kinalaman sila sa teroristang grupo.

Pero sa litratong nakuha ng ABS-CBN, makikita ang magkapatid na Zulkifli at Aliasgar sa Butig. Nakasuot sila ng itim, armado, at may tatak ng ISIS sa damit. Ayon sa source ng ABS-CBN, pinsan sila nina Omar at Abdullah Maute.

Kabilang ang magkapatid na Zulkifli at Aliasgar sa apat na napatay matapos tambangan umano ang police convoy na nagbibiyahe sa kanila papuntang Cagayan de Oro nitong weekend. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.