Pa-housing loan sa kumikita ng minimum, bagsak ang interes

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 06:44 PM | Updated as of Jun 14 2017 01:49 AM

Ibinaba ng Pag-IBIG Fund ang interes sa pabahay para sa mga kumikita ng minimum wage o mas mababa pa.

Sa interes na 3% kada taon, puwedeng magkaroon ng bahay na may P2,000 buwanang hulog sa loob ng 30 taon.

Pasok sa programa ang mga kumikita ng P15,000 kada buwan sa Metro Manila at P12,000 sa probinsiya. 

Kabilang sa naging kuwalipikado sa programa ang minimum-wage earner na si Daisy Fernando, 31 anyos, na kumuha ng bahay sa halagang P446,000 sa Plaridel, Bulacan.

Paliwanag ng Pag-IBIG, karaniwang nahihirapang manghiram sa bangko iyong mga hindi kalakihan ang suweldo. 

''Ang tingin kasi ng mga bangko, high-risk, kaya pumasok kami para pagsilbihan ang sector,'' ani Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy Moti.

Batay naman kasi sa kanilang record, mataas ang 'collection efficiency' sa low-cost housing. Ibig sabihin, responsable at tuloy-tuloy na nagbabayad sa tamang oras ang mga nangungutang para sa pabahay.

''Kapag pinagbigyan mo ng pagkakataon ang low income earner, inaalagaan nila ang kanilang bahay,'' ani Moti.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.